Tuesday, August 17, 2010

Oro, Plata, Mata ni Mary Jane Salcedo

Alam kong hindi lingid sa ating kaalaman ang "oro plata mata". Alam nyo ba na ito ay isang paniniwala na kapag ang bilang ng baitang ng inyong hagdan ay natapat sa mata iyo ay  nangangahulugagn may mamamatay o di kaya ay maaaring mapaligiran ang inyong pamamahay ng masamang espirito.
May magpipinsang napagkatuwaan ang "oro plata mata".Ang bawat baitang ay binibigyan nila ng ngalan. Bawat pagbigkas nito ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng orasyon. Maaring lumakas ang negatibong enerhiya ng mga masasamang ispirito  sa paligid nila. Hanggang sa makarating na nga sila sa huling baitang ng hagdan. At sa hindi inaasahan ay natapat ito sa mata. Nag-iba ang awra sa kanilang paligid ngunit hindi nila ito pinansin dahil nga sa nagkakatuwaan sila.

Mauna ka, Susunod ako ni Keith Krista Torres

Sa episode ng buhay, laging naririyan ang the end. Ni walang katiyakan sa maaaring mangyari. At sa ating pananatili dito, ibat-ibang mga salik ang nakakaapekto sa ating pamumuhay. Isa sa mg ito ay ang mga pamahiin. Halimbawa ng pamahiing ito, kapag may sabay na ililibing ay kailangang hindi padaanan ang unang patay sa susunod pang patay.
Ang pamahiing ito ay naganap sa buhay ni John. Ayon sa kanyang kuwento, namatay ang kanyang tatay na si Mang Felix dahil sa malalang sakit. Pabalik-balik ito sa ospital dahil kung minsan ay maayos at minsan ay sumasama ang pakiramdam nito. Halos hindi na rin ito kumakain.
Isang araw, habang binabantayan ng kapatid ni John na si Jena ang kanilang ama ay bigla itong umungol at tumaas ang presyon ng dugo. Tumawag siya doctor ngunit huli na sila at naabutan na itong patay. Nagulat ang mga kamag-anak nila sa sinapit ni Mang Felix ngunit tinanggap nalamang nila ang nangyari. Makalipas ang dalawang araw namatay ay kamag-anak nilang si Mati. Ayon naman sa kamag-anak, namatay ito dahil sa sobrang pagsakit ng ulo. Hindi nila ito pinansin hanggang sa lumala. Lumipas ang isang linggo at dumating na ang araw ng kanilang libing.Habang inaayos ang karo ni Mang Felix ay dumating na ang karo ni Mati. Maraming nagsabi na hindi dapat padaanan ang karo ni Mang Felix dahil maaaring may mamatay sa pamilya niya. Hindi ito pinansin ng asawa ni Mang Felix na si Aling Amanda at pinanindigan na hindi ito totoo.
Dumaan ang limang buwan at namatay ang kapatid ni Mang Felix na si Lisa. Hindi maipaliwanag ang naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Batay sa nakakita dito, ito ay nahulog sa kama at biglang nangisay. Naalala na lamang ni Ali ng Amanda ang sinabi sa kanyang pamahiin noong araw ng libing ni Mang Felix. Dahil sa nangyaring pagkamatay ni Lisa sinisi niya ang kanyang sarili at sa sobrang pag-iisip ito ang naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Hiwaga sa Alas Tres ni Jezeth Ellaine Aujero

Naranasan mo na bang makaramdam ng kakaiba tuwing papatak ang oras na alas tres? o, kaya naman ay bigla kang maalimpungatan sa gitna ng kahimbingan ng iyong pagtulog? Marahil ilan sa atin ay nakaranas na ng ganitong sitwasyon. Pero ano nga ba talaga ang totoo? Bakit nangyayari ang mga ito?
Naniniwala ang mga katoliko na ang alas tres ng madaling araw ay oras ng mga dimonyo o diyablo. Ilan sa mga sinasabing dahilan ay kabaligtaran raw ito ng oras ng Panginoon na alas tres naman ng hapon.
Ayon sa mga pag-aaral, karamihan sa mga aksidente ay nagaganap tuwing alas tres ng madaling araw. Lumalabas na sa mga oras na ito ay mas malakas ang negatibong puwersa kumpara sa positibo.
Sa kabilang banda, kung babalikan natin ang pelikulang “Paranormal Activity” na hango sa totong buhay, pinatutunayan nito na ang mga dimonyo ay kumikilos tuwing mag-aalastres ng madaling araw. Maaalala rin natin ang isa pang pelikulang tungkol sa babaeng dumaranas ng “Exorcism” o pagsanib ng dimonyo sa katawang tao tuwing alas tres din ng madaling araw siya ay si Emily Rose na kalaunan ay namatay din dahil sa lakas ng puwersa ng dimonyo.
Bilang na patunay nagsagawa ako ng survey. Nagtanong ako ng ilang mga residente sa aming lugar kung nakakaramdam ba sila ng kakaibang takot tuwing alas tres ng madaling araw. Ganito ang sagot ng karamihan, ”Oo, madalas akong bangungutin sa mga oras na iyon.” Ang iba naman ay nagsasabing, “Madalas akong maalimpungatan sa hindi malamang dahilan.” At ang pinakanagpatindig ng aking balahibo ay ang sagot ng isang taong nakakakita raw siya ng mga kakaibang mga nilalaang na sa mga oras na iyon lamang niya nakikita.
Maaaring hindi ka kumbinsido sa mga sinasabi ko. Dahil diyan hinahamon kita! Bumangon sa oras ng alas tres ng madaling araw. Magmasid ka sa iyong paligid mararamdaman mo ang kanilang puwersang maghahatid sa iyo sa katotohanan o kababalaghan.

Ikaw Nalang ang Kulang ni Jedidia Ella Buhat


Isang magandang halimbawa ang nangyari sa magkakapatid na sina Aling Tesi, Mang Caloy, Mang Andres at Inang Mering. Puros mga matatanda na ang magkakapatid. Maganda ang naging bahay, negosyo at mga ari-arian. Samantala, sina Aling at Mang Caloy ay hindi pinalad dahil hindi nakatapos kahit elementarya lamang.
Dahil nga sa hirap ng kanilang buhay ay hindi matustusan ang kanilang pangangailangan gaya ng gamot, masustansyang pagkain, gatas at paminsang-minsang pagpapatingin ng kalusugan sa doctor. Sa kalagayang ito, maagang namatay sina Aling Tesi at Mang Caloy. Sapagkat mas maluwag sa buhay ang mga natitira pa nilang dalawang kapatid. Napagdesisyunan nilang ipagawa ng kapilya at pinadagdagan pa ang nitso nito. Imbis na dalawa lamang ay ipinasadya na nilang gawing lima. Hindi sila naniwala o nabagabag man lamang sa mga sabi-sabing masama ito.
Lumipas ang dalawang taon, nakatanggap si Inang Mering ng tawag mula sa anak ni Mang Andres. Ibinalita nito na ang kanyang ama ay binawian na ng buhay bandang alas tres ng madaling araw dahil sa atake sa puso. Nagdaan lang ang ilang buwan ay ang panganay namang anak ni Inang Mering ang pumanaw dahil sa isang aksidente.
Ang tatlong bakanteng nitso ay napunan na sa pamamagitan ng pagkamatay ng magtyuhin. At sumunod pa dito si Inang Mering na namatay dahil sa breast cancer.
Hindi na inulit ng mga kaanak nila ang pagpapasobra ng nitso. Kung mapapansin natin parang lumalabas na naghihintay ng mamamatay ang naturang nitso. Kaya ikaw wag ka ng gumaya dahil kapag nagkataon baka ikaw ang sumunod at masabing ikaw nalang ang kulang.

Sunud-sunod ni Shiela Marie Nieto

Minsan nga nakakabuwisit na, paulit-ulit nalang eh minsan nga wala akong narinig na may ibang nangyayari kapag hindi ito sinunod. Siguro wala pang nagtangka sumuway. Pero ako ayoko nang sumuway.
Nang mamatay si Tito Doro dahil sa kanser, isa ako sa nakipaglamay. Habang nakikipaglamay ako, nakita kong pinagtatabi-tabi ni pinsan ang mga magkakasunod na lamesa. May isang aleng sumita sa kanya, “Ine, hayaan mo lang na hiwa-hiwalay ang magkakasunod na lamesa na iyan.” “Ale, mas maganda po kasi kung pagtatabi-tabihin para heto ang hilera ng mga kakain at doon naman ang mga manunugal, mas maganda po tignan ‘di ba?” “Ine, sa oras kasing pagtabi-tabihin mo iyon maaaring magkasunud-sunod ang mamamatay sa inyong pamilya. Inisnab ko lang iyon, hinayaan ko si pinsan.
Nang mailibing si Tito Doro, nagsimula ng lumala ang sakit ng apat niyang kapatid at isa pa doon ay si daddy. Hanggang sa binawian na ng buhay si Tito Amang. Sinundan pa ito ng aking daddy pati ni Tito Digo at Tito Kandido.
Matapos ang mga pangyayari, nagkaroon kami ng oras na makapagkwentuhan. Doon ko nalaman na wala palang nakakaalam sa nangyari sa lamay ni Tito Doro. Nang marinig naming ang ikinuwento ni pinsan, nagkatingin kami. Hindi malabong ang pamahiin nabalewala ang naging dahilan ng pagkasunud-sunod na pagpanaw. Lubhang nakakapagtaka ang sunud-sunod na pagpanaw. Nagbigay aral sa amin iyon at naging mapamahiin na rin kami. Nagkataon man ang pagpanaw nila o talagang resulta ito ng pagbalewala sa pamahiin ay mas mainam na ring sumunod dahil wala namang mawawala sa atin, iba na rin ang nag-iingat.



Free MP3 Downloads at MP3-Codes.com

Hinihintay Kita ni Charmeine Dungo

May narinig ka na bang pamahiin na bawal ng balikan ang bagay na naiwan mo na pag nakalabas na ng bahay ang kabaong na kinalalagakan ng bangkay? May sabi-sabi kasing hindi magiging maganda ang kalalabasan nito pag bumalik ka pa.
Ang pagbawal na balikan ang naiwang gamit o ano pa man pag may ihahatid sa huling hantungan ay isang halimbawa ng pamahiin. Ito ang nangyari kay Anna, pinsang-buo ni Rizza. Ayon sa kwento ni Rizza, noong araw na ihahatid na nila sa huling hantungan ang ina ni Anna ay may nakalimutan ito. Binalikan ito ng kanyang pinsan habang sa labas ay naghihintay ang kanilang mga kamag-anak at ang bangkay ng ina nito na nasa kabaong. Makalipas lamang ang tatlong buwan, ay namatay si Anna. Noong una ay inakala nila na nagkataon lamang ito. Ngunit ng ihahatid na din nila si Anna sa huling hantungan nito ay naulit ang mga pangyayari. May nakalimutan ang isa sa mga kapatid ni Anna at binalikan niya ito, habang sa labas ay naghihintay ang kanyang mga kapamilya. Ilang buwan lang din ang nakaraan ay namatay ang kapatid ni Anna. Doon lang nila napansin na sa tuwing may nakakalimutan ang isa sa kanilang kamag-anak at binalikan ito habang sa labas ay hinintay siya ay ito ang susunod na mamamatay.

Ikaw Nakita Mo na ba Sya? ni Locsina Locsin

Naranasan mo na bang makakita ng iisang tao sa magkaibang direksyon sa halos magkasabay na pagkakataon? Hala ka, baka isa sa kanila ang “doppelganger”.
Ang doppelganger ay hango sa dalawang banyagang salitang “doppel” na ang katumbas na salita ay doble at “ganger” na nangangahulugang mukha.
Maraming paniniwala sa kung ano ba talaga ito. Ang iba ay pinaniniwalaang ang mga doppelganger ay mga kaluluwang ligaw na nais pa ring na mamirhan sa ating mundo. Ginagaya nila ang mukha ng tao at nagpapanggap upang maipabatid na sila ay narito pa rin sa mundong ating ginagalawan. Ganito ang naranasan ni Shiela habang nagbabakasyon sila ng kanyang mga pinsan sa kanilang ancestral house. Ayon sa kanya, nakita niya ang kanyang pinsang si Daniel sa labas, sa gawing tagiliran ng bahay, kumaway ito sa kanya at tumango naman siya bilang ganti, para lamang magulat sa kanyang paglingon, naroon ang isa pang Daniel, pababa ng hagdanan mula sa ikalawang palapag ng bahay. Sa labis na pagkalito at pagkatakot, tinanong niya si Daniel kung kanina pa ito sa itaas, at sumagot naman si Daniel ng oo at tumabi sa kanya sa sala at nanood ng t.v. Sinabi ni Shiela kay Daniel na nakita nya ito sa labas bago pa man ito bumaba ng hagdan, Ang sabi naman sa kanya ni Daniel ay imposible iyong mangyari. Hindi na lamang siya kumibo sapagkat alam niyang hindi siya nito paniniwalaan at ang tanging sasabihin lamang sa kanya ay guniguni lamang nya iyon.
Ang iba naming mga tao ay nagsasabing ang lahat ng tao ay may kani-kaniyang “doppelganger”. Lumalabas ang doppelganger kung ang taong pinanggalingan nito ay kadalasang malungkot at problemado at nagiging sanhi upang maglabas sya ng negatibong enerhiya. Kung ang taong ito ay lalong nagiging malulungkutin bunga ng suliranin at para bang nawawalan na siya ng lakas upang gawin ang mga bagay na ginagawa niya noon, ang “doppelganger” niya ay humihiwalay sa kanya at nagtutungo sa mga lugar na matao kung saan ramdam niya na siya ay hindi nag-iisa. Umaaktong normal na tao, ginagawa ang mga bagay na hindi mo nagagawa tulad na lamang ng pamamasyal at pakikipagbatian sa iyong mga kakilala. Kaya mayroong mga pagkakataong pamilyar ang mukha nila sa’yo kahit iyon palang ang pagkakataon na kayo ay nagkita, dahil baka hindi naman talaga ikaw ang nakita niya kundi ang iyong “doppelganger”.
Ayon naman sa paniniwala ng ilan, kapag iyong nakita ang iyong “doppelganger” ay isang babala ng kamatayan, kaya nararapat kang mag-ingat.
Sinuman ay maaaring makakita ng “doppelganger”, ngunit hindi lahat ay iisiping totoo ito, sapagkat maaaring ang iba ay akalaing namamalikmata lamang sila. Wala man itong scientific basis ay masasabing totoo ito, dahil kung hindi, bakit may mga taong nakakaranas na makakita nito? Ikaw, hihintay
in mo pa bang makita ang sarili mong “doppelganger” o sapat ng patunay ang mga taong nakakita na nito?